And yes, we are engaged!
May mga nagsabi na bakit parang masyadong mabilis? May mga naghinala din na baka ako’y buntis?
Well, hindi ko rin alam bakit napapropose si Bri. Pero, napaguusapan naman na namin ang kasal. Hindi nga lang kung kaylan sya magppropose kasi hinayaan ko na sya magdecide ng tungkol dun.
June 28, 2020. Nasa General Community Quarantine ang Laguna at Cavite. Kasagsagan ng Corona Virus outbreak sa Pilipinas. Hindi lahat ng tao pwede lumabas. Hindi normal ang buhay. Minimal ang public transpo. Karamihan, work from home, isa na ako dun.
Noong araw din na iyon, napagdecide-an namin ni Bri na magcelebrate ng Anniversary namin na dapat noong May 4 pa at sa isang resort sa Aurora sana. Pero dahil nasa mas mahigpit na quarantine measure ang bansa noon at pinagbabawalan ang leisure trip. Hindi na namin itinuloy yung plano na noong March palang ay nakabook na.
Ang plano, magluluto ng iba’t ibang putahe dito si Bri para pang dinner namin kasama ng pamilya ko.
Bago dumating si Bri, inutusan ako ni Mama umorder ng Pancit Malabon at pichi pichi. Na nakapagpataka sakin kasi wala namang okasyon pero nagpabili din si Mama ng mga pagkain.
Unang agenda namin ay magrocery. Iniwasan namin ang SM kasi panigurado, madaming namimili doon. Sumubok kami sa Robinson, sa kasamaang palad, may pila din sila sa labas. Regulated kasi yung mga taong pinapapasok sa supermarket. Batch by batch ang sistema. Hanggat may natitira pang taong nasa loob at namimili sa naunang batch, kaylangan mo pumila at magantay hanggang sa matapos sila.
Nagantay kami ng halos 30 to 45 minutes hanggang sa makapasok kami. Namili na si Bri ng mga kakaylanganin nya sa mga lulutuin nya. Pagkatapos namin mamili, pumunta muna kami sa Inang’s sa Olivarez para pickup-in yung pinaorder ni mama na Pancit Malabon at Pichi pichi. Umuwi din kami agad para makapagluto na sya.
Dumating kami sa bahay ng nasa kalagitnaan ng pagattend ng misa ang pamilya ko via online streaming, since hindi pwedeng pumunta sa simbahan. Isa kasi sa pinagbawal ang religous gatherings sa precautionary measures na inimplent para matalo ang virus.
Inassist ko si Bri sa pagluluto. Nang unti unti na syang matapos, nagsimula na kong iakyat na ang mga pagkain sa 3rd floor. Pag akyat ko, nagulat ako kasi nakagayak na. May design na and may Happy Anniversary ng nakalagay sa pader. Doon na ko nagsimulang magtaka. Kasi ako dapat magaayos nung gayak sa 3rd floor.
Pagtapos ni Bri magluto, umakyat na kaming lahat sa taas para kumain. Napansin ko na dinala ni Bri yung bag nya, na isa pa sa nakapagpataka sakin kasi pag dumadalaw naman sya sa bahay iniiwan nya lang yung gamit nya sa sofa.
Super busog sa dami ng nakahain at masarap din talaga yung mga niluto ni Bri. Tulad ng Pan Fried Beef at Garlic Butter Shrimp.
Kala ko tapos na kami at kaylangan na magligpit ng mga pinagkainan. Hanggang sa may inabot si Bri na puting box. Kinabahan na ko. Pero ang iniisip ko, baka hikaw yun kasi lagi nya napapansin na hindi ako nagsusuot ng hikaw. Pagbukas ko nung box, dun na bumuhos yung luha.
Ganun pala yung pakiramdam nun. Kala ko pag binigyan ako ng singsing at may nagpropose sakin, mapapatakip ako ng bibig katulad ng ibang babae. Pero sa kasamaang palad, hindi ko nagawa yun. Para akong bata nagiiyak na binigyan ng regalong pinakahihiling nya.
Tahimik lang si Bri habang tinitignan ko yung singsing. Kaya tinanong ko na sya kung ano yun. Sabi nya “singsing” (galing diba 🙄). Sabi ko, “o tapos?”. Dun na sya nagtanong ng “will you marry me?”. Ako naman habang nahagulgol, sinagot ko sya ng “oo naman yes!”.
Hagulgol nanaman ako. Hanggang sa niyakap ko si Bri. Habang hindi parin ako makapaniwala sa nangyari.
Pagkakita ko sa mga kapatid ko, nagiiyakan nadin sila habang vinivideohan yung nangyayari.
Sa sobrang tuwa ko, sinipag talaga ako magligpit ng mga pinagkainan namin nun since tapos nadin naman kami lahat kumain.
Inaasar ko noon si Bri. Sabi ko, bakit hindi ka lumuhod?. Sabi nya, basa daw yung sahig. Which is understandable naman kasi kakatapos lang umulan noon.
Tinanong ko sya kung alam ba ni Mama at Papa iyon. Sabi nya, nakapagpaalam na daw sya kay Mama noong tinulungan nya akong kuhanin yung computer ko sa office para makapag wfh ako at nasa bahay si Mama.
Kaya noong gabing din yun, lumapit kami kay Papa at nagsabi na engage na kami. Kahit andun naman sya sa buong pangyayari. Pormal man pero natuwa ako noong shinake hands kami ni Papa at nagsabi ng Congrats.
Niyakap din ako ng dalwa kong kapatid noon at kinongrats din kami.
Noong nasa sala na kami, nagkwento si Mama. Noong araw daw na nagpaalam si Bri saknya na magppropose na sya sakin. Umiyak daw sya kinagabihan kasi nalulungkot daw sya na aalis na ako sa bahay namin. Pinpatahan sya ni Papa sabay sabing “ano gusto mo gawin sa anak mo? Buruhin? Doon at doon din naman sila pupunta e”
Ngayon, alam ko na bakit nakagayak na yung 3rd floor nung gabing yun. Si Mama at Papa pala nagaayos nun katulong ng kapatid ko na wala paring alam sa nangyayari. Dahil si Mama at Papa lang ang nakakaalam noon.
Ngayon, alam ko na ding wala sa tagal ng relasyon yan. Pag natagpuan mo na yung para sa iyo, hindi mo na dapat pakawalan yun.


















